Mind Museum, BGC Taguig Field Trip: Isang Masayang Araw ng Pagkatuto at Pagkakaibigan

Ang field trip ay isa sa mga pinaka-aabangang benefits na natatanggap ng mga scholars ng foundation. Isinasagawa ito ng Scholarship Head, bilang bahagi ng holistic development na layunin ng programa. Layunin ng mga ganitong aktibidad na hindi lamang magbigay saya at bonding sa mga scholar, kundi upang magbukas rin ng mga bagong kaalaman at karanasan na hindi basta-basta makakalimutan.

Ngayong taon, muling isinakatuparan ang field trip. Ito ay ginanap noong June 28, 2025 (Saturday) sa Mind Museum sa BGC, Taguig. Siyam (9) na scholars ang dumalo, kasama sina ate Yarei Lauro (Scholarship Head), ate Gerlie Aman (President ng Foundation) at ate Daisy Vergara (Secretary).

Habang nasa biyahe, sinimulan ang araw sa pamamagitan ng rosary prayer na pinangunahan ni John Lloyd. Kasunod nito ay ang pamamahagi ng breakfast sa lahat ng kasama.

Ang Mind Museum ay isang pambihirang lugar kung saan puwedeng maranasan ang hiwaga at saya ng science. Mayroong higit sa 250 interactive exhibits na nakaayos sa limang (5) magkakaugnay na galleries.

Isa sa mga pinaka-highlight ng araw ay ang pagbisita sa sikat na T-rex skeleton cast, kung saan ang mga scholar ay nagkaroon ng pagkakataong makapag-picture. Pumunta rin sila sa Space Shell, na animo’y isang movie marathon sa loob ng isang napaka-engaging na planetarium.

Hindi rin nawala ang kasiyahan sa static ball—isang eksperimento kung saan kapag hinawakan mo ito, tataas ang iyong buhok! Dahil ito ay nagge-generate ng electrostatic charge na lumilipat sa iyong katawan, nagiging dahilan ito ng pagtayo ng buhok—na aliw na aliw namang naranasan ng mga scholars!

Bilang bahagi ng learning experience, sumali ang mga scholar sa isang mini quiz na inihanda ng Mind Museum. Hinati sila sa dalawang grupo: ang unang grupo ay pinangunahan nina JL at Erysa, habang sina Hilary at Scholarship Head Yarei naman ang nanguna sa ikalawang grupo. Mula sa mga tanong hanggang sa teamwork, naging masaya at makabuluhan ang friendly competition. Sa pitong (7) grupo na naglaban, kabilang ang iba pang mga nagpunta sa Museum, ang grupo nila JL at Erysa ang nakakuha ng may pinakamataas ng puntos! Masaya ang lahat sa pagkapanalo nila. Mas masaya siguro kung may pa-premyo rin na kalakip ang panalong ito.

Matapos ang masayang paglilibot, nagtungo ang grupo sa isang fast food para sa kanilang lunch. Masayang pinagsaluhan ng mga scholar ang pagkain habang may kaunting kuwentuhan at tawanan.

Pagbalik sa sasakyan, hindi pa rin natapos ang saya at pagkatuto. Naghanda si ate Yarei ng trivia quiz na may kaugnayan sa mga exhibit at impormasyon mula sa Mind Museum. Lahat ay aktibong nakisagot—isang patunay na hindi lang sila nag-enjoy, sila rin ay nakatuto.

Ang field trip na ito ay hindi lamang isang simpleng lakad—ito ay naging daan sa pagkatuto, pagtutulungan, at pagkakabuklod ng mga scholar. Sa bawat gallery na binisita, sa bawat tawanan at tanong na sinagot, nadagdagan ang kanilang kaalaman at pananaw sa mundo.

Tunay ngang ang mga ganitong karanasan ay mahalagang bahagi ng paglago ng kabataan—hindi lang bilang mga estudyante, kundi bilang mga bagong lider ng kinabukasan.

Isinulat ni Alyssa Joy Maceren

Leave a comment