Kauna-unahang Dental Mission ng Foundation para sa Kiddie Kingdom

Noong Hunyo 5, 2025, matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang Dental Mission ng foundation para sa mga bata ng Kiddie Kingdom (KK). Pinangunahan ito ng mga officers ng SOJCFI kasama ang mga Junior Board of Trustees na sina Hilary, John Lloyd, Erysa, at Lea.

Bago maisakatuparan ang dental mission, kinakailangan munang magsumite ng request letter sa Head ng Muntinlupa City Health Office, upang pormal na hingin ang suporta ng mga dentista ng Muntinlupa City Health Office. Nang opisyal na makakuha ng schedule, dali-dali nang kumilos ang organisasyon upang matupad ang proyekto.

Ang pangunahing layunin ng dental mission ay masuri at maprotektahan ang kalusugan ng mga ngipin ng mga batang members ng KK. Sa isinagawang aktibidad, sinuri ang ngipin ng mga bata at nilagyan ng fluoride upang mas tumibay, luminis, at maiwasan ang pagkasira ng ngipin. Umabot sa 180 na bata, may edad 5 hanggang 12 taong gulang, ang pinayagang lumahok ng kanilang mga magulang.

Dahil sa dami ng mga kalahok, ang mga bata ay hinati ayon sa kanilang area. Inatasan ang mga scholars upang tumulong sa pag-asikaso at pag-assist sa mga bata sa bawat lugar:

• Planas – Elizabeth at Niña
• Espeleta – Erysa at Shane
• Tensuan at La Guerta – Jonalyn at Chelsea
• Pantalan – Alyssa at Lea

Matapos ang dental check-up at paglalagay ng fluoride, ang bawat bata ay tumanggap ng lootbag na naglalaman toothbrush, toothpaste, at towel—mga gamit na makatutulong upang mapanatili ang kalinisan at kalusugan ng kanilang mga ngipin.

Hindi rin nagpahuli ang mga scholars at ilang miyembro ng foundation—sila rin ay nagpa-check at nagpalagay ng fluoride. Isa itong magandang halimbawa ng shared learning and self-care na hindi lamang para sa mga bata kundi para sa buong komunidad ng foundation.

Ang proyekto ay naging lubos na matagumpay dahil sa pagsusumikap ng mga SOJCFI scholars at KK servants, sa serbisyo ng mga doktor, at sa walang sawang suporta ng mga sponsors. Sa pamamagitan ng ganitong mga projects, natututo ang mga bata kung paano pahalagahan ang kanilang kalusugan—na magsisilbing pundasyon ng isang magandang ngiti at malusog na kinabukasan.

Isinulat ni Lea Olimba

Leave a comment